Friday, September 23, 2005

Katok

Nagising ako ng nakabubulabog
na katok sa hatinggabi.
Isa,
dalawa,
tatlo
.
Mga katok na binilang ko isa-isa,
Pinakinggan ang lakas at hina ng tunog
Gawa ng bawat dampi
Dabog ng kamao sa pinto.
Isa,
dalawa,
tatlong
minutong tuluy-tuloy na katok
Dabog sa pintong kahoy.
Bumaling ako paharap sa pinto.
Isa,
dalawa,
tatlong
minutong pinag-isipan
Kung bubuksan ko ito.
Sinong gago ba naman ang mang-iistorbo sa tulog ko?
Kung sa umaga nga,
Ni asong ligaw walang magnasa
Maglabas-masok sa aking tahanan,
Sa gabi pa kaya kung kelan ang aso sa labas ay nakawala,
At ang tarangka ay makailang beses na nakakandado.
Sinong kumag pa ba ang makakakatok sa pinto ko?
Isa,
dalawa,
tatlo
.
Isang katok pa, sabi ko, bubuksan ko na pinto ko.
Isa, tumayo na ako.
Dalawa, hawak ko na kandado ng pinto.
Tatlo, bukas na pinto ko.
Mga bakas ng sapatos sa lupa nadatnan ko.
Bakas ng mga paa ng taong tila pabalik-balik,
balisa,
galit,
nagtataka.
Wala na ang katok.
Wala na rin siya.

1 comment:

eLf ideas said...

Armel,
Nice poem. Vivid.