Dear Kuya
Dear Kuya,
Naisipan kong sumulat sa iyo dahil nasanay ako na kung mayroon akong nararamdaman na sobrang kasiyahan o kalungkutan, kaagad kong inilalahad sa iyo lahat. Naroon ako sa kalagayang ganun ngayon Kuya. May kung anung pulumpon ng damdaming nag-uumapaw sa aking dibdib. Ngunit sa di ko maipaliwanag na dahilan, di ko matantya kung ito ba’y dala ng saya o lungkot.
Nalaman kong bakla si Dodong Kuya. Natatandaan mo ba siya? Siya yung waiter sa pinapasukan kong restawran dito sa Maynila. Oo Kuya. Siya yung sinasabi kong muntik ko ng mahalin ngunit nagpigil ako dahil sa akala ko noo’y imposibleng magkaroon ng bunga. Alam mo namang sa mula’t sapul pa’y di na ako pumapatol sa mga lalaking alam kong di maaaring maakit sa akin. Ipinakilala nya sa akin kanina si Leandro. Akala ko’y matalik niya itong kaibigan o pinsan nung una. Madalas kasing dinadaanan siya nito sa restawran tuwing uwian. Pinilit nila akong sumama sa kanilang maghapunan. Sumama naman ako sa pagnanais na makasama si Dodong. Sa kainan, magkatabing naupo si Dodong at si Leandro sa aking tapat sa hapag. Maginaw ang panahon gawa ng walang tigil na pagbuhos ng ulan. Ginaw na tila di nararamdaman ni Dodong at Leandro sapagkat lubos na magkadikit ang kanilang mga katawan. At maski natatabingan ng hapag, pansin kong magkakapit ang kanilang mga kamay.
Apat na taon na raw sila, ang biglang sabi ni Dodong na tila sagot sa katanungang di lumabas sa aking bibig. Hinalikan sya sa pisngi ni Leandro, sabay kwento ng kanilang love story. Dumating ang pansit, siopao, at coke na aking inorder. Kumain akong di ko man lang nalasahan ang pagkain ko habang nakikinig sa kanilang kwento. Pagkatapos naming kumain, isinakay ko sila ng jeep pa-Quiapo at ako nama’y nagpasyang maglakad pauwi. Kailangan kong balikan muli lahat ng aking nakita at narinig mula sa lalaking muntik ko ng minahal at sa kanyang syota.
Di ko mailagay kung sa malas o swerte ang lahat ng mga rebelasyong bumungad sa akin. Ngayong alam kong may posibilidad na pumatol si Dodong sa akin, sabay ko namang nalaman na may nagmamay-ari ng puso nya. Sana Kuya kung pwede lang daanin sa bato-bato-pick ang damdamin, marahil alam ko na ngayon kung ano ang nararamdaman ko. Ang sigurado lang, sa dalawang taong pagkakakilala ko kay Dodong at sa parehas na haba ng panahong pagtitiis kong itago ang aking nararamdaman, di na mahirap na ipagpatuloy ko ang akin nang nasimulan. Tutal, madami namang lalaking nagkakainteres sa akin eh. Mana ata ako sa iyo Kuya.
Mas ayus sana kung magkasama tayo. Mas magaang dalhin ang suliranin kung nasa tabi kita. Hayaan mo, konting ipon na lang at makakauwi na rin ako dyan sa atin. Ikamusta mo na lang ako kay Ate Doris at sa mga bata. Mahal ko kayong lahat.
Nagmamahal,
Jojoboy
PS. May nanliligaw sa aking piloto. Kostumer naming masugid sa restawran. Inaaya ako lumabas sa Linggo. Ikukwento ko sa iyo sa susunod kong liham.
3 comments:
I just have to say that I really love this post!
Keep blogging coz I'm reading.
You are interesting. I saw your link through my friend eLf's blogsite. Hope we can be friends. ;-)
leidivine,
Yeah no problem. Alfie and I used to be officemates. Too bad you don't have your own blog. Or probably I just couldn't find it. Link me if you do have one.
armel
Post a Comment