Karanasan sa Bahay Bulilit
Habang ang lahat ay abala sa programa, ako naman ay nakikipag-usap sa ilang mga batang tahimik na nakaupo sa tabi ko. Nakilala ko si Angie at si Martha na parehong bihis na bihis. Ngunit di katulad ng ibang mga bata na nakasuot ng polo o blouse, yun bang bihis na panlinggo kung tawagin, sila Angie at Martha ay naka-gown. Tunay nga namang pormang pang-sagala ang kanilang dating.
Nakilala ko rin si Martin. Mukhang siya’y limang taon na. Siya’y mukhang malusog at dahil sa medyo mangitim-ngitim ang kanyang balat, sa palagay ko’y maaaring oras ang ginugugol niya sa paglalaro sa ilalim ng araw. Iisipin ko sanang di siya kakaiba sa iba pang mga bata kundi sa nakagugulat na tanong niya sa akin. Habang kausap ko ang isa pa sa kanila, lumapit itong sa Martin sa akin at itinanong kung ako raw ba ay bakla. Natigalgal ako sa kanyang tanong. Di ko akalain na sa murang gulang nya na iyon, may binhi na ng ideya ng pagkabakla sa kanyang kamalayan. Natakot ako na kapag inamin ko sa kanya, magulo ko ang konsepto niya ng sekswalidad. Natakot ako na baka matakot siya sa akin. Sinabi kong ako’y hindi bakla.
Marahil di siya nakuntento sa sagot ko sa tanong niya sa akin. Ilang sandali lamang ay narinig ko siyang kinakausap si Peter. Itinanong din niya ang tanong niya sa akin. “Bakla ba kayo?” Sumagot si Peter na may ngiti sa kanyang labi. “Oo, bakla kami.” Tumalikod lamang si Martin. Nagtuloy sa kanyang pakikipagharutan sa ibang mga bata na parang walang nangyari.
Di ko masabi kung anong konsepto ng pagkabakla mayroon siya. Di na mahalaga iyon. At least hindi pa dahil bata pa siya. Ngunit kung anuman iyong ideyang iyon, tayong mga nakatatanda ang dapat magbigay gabay sa mga batang ito kung paano mag-iisip ng tama tungkol sa mga bakla. Inosente ang tanong na ito sa akin ni Martin, ngunit ang reaksyon ko sa inosenteng tanong nya na iyon ang maaaring magsabi sa kanya kung paano buuin sa kamalayan niya ang konsepto ng pagkabakla. Maaaring ang sagot ko sa tanong nya ang magbibigay kahulugan sa utak niya ng kung ano ang bakla.
*This is the write-up I submitted for posting on the Web site that documents our outreach program last December in Bahay Bulilit.
No comments:
Post a Comment