Tuesday, October 11, 2005

Pulis na Matulis

Dear Kuya,

Di mo paniniwalaan ang kwento kong ito. Muntik na akong makulong kagabi! Nakakahiyang aminin ang dahilan. Nahuli akong nag-cruise kagabi sa Starmall. Teka Kuya baka di ka pamilyar sa terminong cruise. Alam ko namang si Tom Cruise lang ang kilala mong Cruise. Yun ay bukod pa kay Sheryl Cruz, Sunshine Cruz, Donna Cruz, at isama mo pa si Tirso Cruz. Ang cruise Kuya ay terminolohiyang nangangahulugan ng paglibot at paghahanap ng makakaniig na panandalian o quickie.

Ganito ang nangyari Kuya. Pauwi na ako galing sa restawran kagabi. Sinadya kong di sumabay sa mga kasamahan ko dahil umaga pa lang eh libog na libog na ako. Pasensya na Kuya sa lengwahe ko. Libog lang kasi ang pinaka-epektibong salita na naaapuhap ko ngayon na sumasaklaw sa naramdaman ko kahapon. Ewan ko ba Kuya. Ilang araw nang mainit ang dugo ko. Siguro kung naging straight ako, ang dami ko ng babaeng naanakan. Dumaan ako sa Starmall na kilalang tambayan ng mga lalaking tulad ko ang pangangailangan. Dumiretso ako sa palikuran sa ikatlong palapag. Pagpasok ko pa lang ay may natipuhan na ako. Matangkad siya ng kaunti sa akin. Kulay tsokolate ang kanyang balat, maigsi ang buhok, makinis ang mukha, at mukha namang matino. Yun ang akala ko.

Sa salamin ng palikuran, napansin kong ninakawa niya ako ng sulyap. Itinuring ko itong palatandaan na siya ay interesado rin sa akin. Sa kasamaang palad, may daluyong ng mga taong nagsipasukan sa palikuran kaya’t di natuloy ang aming maitim na balak. Sinundan ko siya paglabas niya.

Ang mga mata niya’y nangungusap sa akin. Sinundan ko siya. Lubha akong nasiyahan ng pumasok siya sa palikuran sa ikalawang palapag. Sabi ko sa sarili ko, di ako nagkamali sa basa sa kanya. Pareho kami ng hanap. Sa masamang palad, dahil sa oras marahil ng labasan, napakaraming tao ang labas-masok sa palikuran. Sa mga pagkakataong naiiwan kaming dalawa sa loob, sige ang haplusan ng aming mga paningin. Kung may mga kamay nga lamang ang mga mata, marahil nahawakan na namin ang isa’t isa kanina pa. Kung may mga labi nga lang siguro sila, marahil kanina pa magkakuyumos ang mga ito. Subalit mukhang isang pwersa ang kanina pa nagbabadya ng masamang pangitain.

Lumabas siya muli at tumungo sa isa pang palikuran sa kabilang panig ng ikatlong palapag. “Naku swerte at walang tao,” nasabi ko pa sa sarili ko. Masosolo kako namin ang isa’t isa sa wakas. Sa harap ng malaking salamin, nagkunwa akong naghuhugas ng kamay at nagpupunas ng mukha gamit ang aking puting panyo. Sampung minutong titigan, pagkagat-kagat sa mga labing namumula na, at pagpupunas ng panyong halos bumura na sa aking mukha ang lumipas.

Marahil dahil sa init ng aking pakiramdam, sinunggaban ko ang bahagi ng kanyang katawang kanina ko pa pinagnanasaan. Wala akong madama. Kakaiba sapagkat inaasahan kong sa haba ng paglalandian, dapat ay may epekto na ito sa kanya ng tulad ng epekto nito sa aking nabubuhay na bahagi.

“Gago ka ah. Bakit mo hinahawakan titi ko? Security ako dito,” sabay labas sa ID niya sa bulsa. “Halika sa security office.” Ang mga sumunod na sandali na yata ang pinaka-nakakahiyang pangyayaring aking naranasan. Mas malala pa Kuya dun sa pagbibitin sa akin dati ni Tatang sa punong mangga sa bakuran nang nalaman nyang bakla ako. Mas nakakahiya pa kesa nung hubaran ako ng karsunsilyo ng mga gago kong kaklase nung Grade 6 ako dahil sa bakla ako.

Hawak nya ako sa kwelyo ng aking t-shirt, parang kuting na sapilitang hiniwalay ng maharot na bata mula sa kanyang pusang nanay. Nagpumalag pa ako nung una pero naisip kong mas makabubuting sumama na lang ako ng matiwasay para wag na akong maeskandalo pa ng lubusang.

Sa security office, inilahad ng lalaki ang kwento nya ng nangyari. Pinalabas niyang walang nangyaring landian sa salamin, na bigla ko na lamang sinunggaban ang kanyang maselang bahagi na walang pagbubuyo mula sa kanya. Pinigilan ko ang aking sarili. Tinawagan ko ang kaibigang kong abogado para tulungan akong ayusin ang gulong pinasok ko.


Sa presinto, kalmado lamang akong inintay ang kaibigan kong abogado. Sinabi ko Kuya sa pulis na di muna ako magbibigay ng kung anumang pahayag habang di dumarating ang kaibigan ko.

Salamat sa diyos Kuya at mahusay ang kaibigan kong abogado. Sa presinto na niya ako naabutan. Nakahinga lang ako ng malalim nang dumating siya. Laking pasalamat ko sa kanya. Sa totoo lang, siya ang pinakahuling taong iisipin kong lalapitan ko. Ex ko kasi siya Kuya eh. Ibang kwento naman yun Kuya. Isusulat ko sa iyo sa susunod.

Nag-usap ang kaibigan kong abogado at ang namputsang complainant ng sarilinan. Inilahad na lamang sa akin ng kaibigan ko ang napagkasunduan nila. Nanghingi raw ng tatlong libo ang mokong Kuya para di na ituloy sa kung saan pa ang kaso. Buti na lang at natawaran ng kaibigan ko ng isang libo ang danyos. Di pa masyadong nabutas ang bulsa ko. Syempre may kaunti ring abot sa pulis na tila kalakaran na ata sa mga ganitong sitwasyon.

Napakahaba ng gabi ko kagabi Kuya. Isa sa di ko makalilimutan at pinakamakabuluhang gabi sa buhay ko. Umulan ng malakas Kuya pagbaba ko ng bus pauwi. Sa loob-loob ko, sana’y mahugasan ng ulan ang katarantaduhang pinagbayaran ko ng ilang oras ngayong gabi. Pero sa kabilang banda, nararapat ko atang isuot na parang chapa ng katapangan ang karanasang ito. Naging matapang din naman ako. Nabuksan din ang isip ko sa mga bagay na dati ko pang alam ngunit madalas ay di binibigyan ng pansin. Tulad ng halaga ng puspusang pag-iingat sa sarili, ng pagrespeto sa pampublikong lugar, ng pagbibigay halaga sa mga kaibigang tunay na maaasahan. Paalalaa sa akin ng kaibigan kong abogado na, magpasalamat daw ako sa Kanya bago ako matulog kagabi upang pasalamatan Siya sa lahat ng nangyari. Ginawa ko yun Kuya. Bukod dun, nangako rin ako sa aking sarili na ibabaon ko sa puso ko ang lahat ng mga leksyong natutunan ko. Ayokong sayangin ang gabing muntik ng tumapos sa mga masasayang araw ng pagiging malayang bakla ko.

Susulat ulit ako sa iyo Kuya. Inaantok na ako.

Nagmamahal,

Jojoboy

1 comment:

Jhena said...

Pag nakita mo si Jojoboy pakisabi sa kanya, ummmm. Grabe, wala ako masabi!