Friday, March 24, 2006

May Bababa Ba?


Sumasakay ka ba ng jeep? Katulad ng karamihan ng ordinaryong Pilipino, ang jeep ang pangunahing paraan mo upang marating ang iyong paroroonan. Sa araw-araw ba naman na pagsakay mo sa jeep, aasahan mo pa bang mapansin ang mga bagay na ganito?

1. Karamihan ng mga pasahero ay mas gustong umupo sa dulo ng jeep malapit sa pintuan malayo sa driver. Kaya’t ang mga bagong sakay ay nauupo lagi sa dulong malapit sa driver dahil ang lahat ng mga nauna sa jeep ay umaatras patungo sa pinto ng jeep.
2. Mas madalas sa hindi, ang dalawang huling pasaherong sasakay sa terminal kung saan magpupuno muna ang jeep bago lumakad ay laging nauupo na katapat ang isa’t isa. At dahil sa masikip na at halos kalahati na lamang ng puwet nila ang nakaupo, nagkakabungguan na ang mga tuhod nila.
3. Walang pasaherong sasagot kung magtanong ang driver kung may bababa sa susunod na babaan. Pero kapag nasa tapat na ng babaan ang jeep, tsaka naman may pasaherong biglang papara. Syemre, dahil sa di naman kaagad makahihinto ang jeep, lalagpas ng konti ang jeep sa bababaan ng pasahero. At itong magaling na pasahero, galit na bababa, pabulong-bulong, at kung mas matapang pa, may kasama pang masamang titig sa driver at mahinang mura habang bumababa.
4. Imbes na magsabing “Para po sa tabi,” gawain ng maraming pasahero na pumitik sa kisame na para bang pumipindot ng buton na magpapahinto sa humaharurot na jeep.
5. Mas madalang sa meron na pasaherong nagpapasalamat kung iabot ng kapwa pasahero nya ang bayad at sukli nya.

Sa pagsakay mo sa jeep mamaya pag-uwi mo, tingnan mo nga kung totoo ang mga na-obserbahan ko. Isa ka ba sa kanila?

No comments: