May Utang Ba Ako Sa 'Yo?
Natatandaan mo ba nung grade 1 tayo? Nung tinulungan mo akong magpunas ng basa sa ilalim ng upuan ko? Ang sabi ko natapon ang baon kong tubig. Ang totoo naihi ako nun sa salawal. Natakot ako magpaalam kay Mrs. Pascua para magpunta sa banyo. Pinagagalitan niya kasi tayo nung hapon na yun. Utang ko sa yo yun!
Eh nung grade 5 tayo di ba lagi mo ako binibigyan ng 1/4, 1/2 lenghtwise, at 1/2 crosswise sheet ng papel? Di pa kasi uso ang magdala ng sariling papel nun. Isa ako sa mga nabuhay sa hingi. Maski nagagalit ka sa karukhaan ko sa papel, nagbibigay ka pa rin kaya nakakapag-exam ako. Utang ko rin yun!
Tapos nung first year high school tayo sa PE class ni Mr. Cimafranca, tanda mo ba nung pinatakbo niya tayo paikot sa patio ng simbahan. Syempre dahil sa taba ko nun, wala pa ako sa kalahati ng dapat takbuhin eh suko na ako. Sinabihan mo ako na wag huminto ng biglaan dahil masama yun. Ang sabi ko nun eh bakit masama kung halos mamatay na ako sa hingal. Mabuti na lang sumunod ako dahil masama nga pala sa presyon ng dugo at sa puso ang biglang paghinto sa isang nakakapagod na aerobic exercise. Utang ko yun sa yo!
Eto siguro tanda mo pa. Di ba’t nung third year tayo eh hirap na sinabi mo sa akin na masama ang amoy ko? Naku ilang araw din kitang di kinausap dahil sa galit ko sa ‘yo! Pero buti na lang sa ‘yo nanggaling. Kung sa ibang paraan ko nalaman yun, namatay na siguro ako sa hiya. Salamat ah.
Nailista ko lahat ang utang ko sa ‘yo dahil inaasahan ko na mababayaran ko lahat ‘yon pag sapat na ang pagmamahal na naimpok ko sa puso ko. Pero di pa siguro ngayon. Huhulog-hulugan ko na lamang nang paunti-unti sa ‘yo. Alam kong malaki pa ang balanse ko pero sa awa ng diyos ay matatapos ko ring bayaran lahat ng pagmamahal na pinautang mo sa akin bago ka man lang magbihis ng maganda para sa libing ko. Mahal kita kaibigan. Ito na ang unang hulog ko.